MATAAS ang sikat ng araw at malakas ang ihip ng hangin kaya parang ningas na aandap-andap ang babaeng naka-itim sa kalye ng San Sepulkro, iindak-indak sa ibabaw ng mga tae ng kabayong nagkalat na parang pantapal sa mga bukbok ng kalye. Siya si Manang Eta, lumalakad patungong palengke para bumili ng dugo, ng atay, ng bituka, ng mga lamang loob.
Nasa magkabilang dulo ng kalsada ang modernong palengke at ang antigong bahay ni Manang Eta, at sa gitna nito matatagpuan ang isang 24-hour na convenience store, computer shop, barberya, Lily’s Furniture at ilang maliliit na mga bahay na karamiha’y may mga kuwarto na pinapaupa sa mga estudyante’t seaman. Nagsiksikan ang mga poste, kable at kawad ng kuryente sa bawat kanto,
Tatlong beses sa isang linggo binabagtas ni Manang Eta ang mahabang kalye at ang lahat ng kanyang nakakasalubong ay hindi niya pinapansin. "Magandang hapon, Manang Eta! Masarap ho ang dinuguan ninyo kahapon!" bati sa kanya ng isa. Walang tinag ang mukha ng matanda at parang wala siyang naririnig.
"Manang Eta, magdidinuguan ho ba kayo sa Linggo? May bisita kasi kami at gusto naming matikman niya ang luto niyo ng dinuguan. Sabi naming, kayo ang pinakamasarap magluto ng…" Hindi pa tapos magsalita ang kaharap, sasagutin lamang ni Manang Eta ang "Meron" o "Wala" at biglang tatalikod.
Subalit, alam ng mga taga-San Sepulkro na kapag ang balintataw ni Aling Eta ay nakatuon sa mga batang nakakasalubong sa kalye --- mapapansin sa kanyang tila patay na mukha ang pagguhit ng isang kimkim na ngiti. Hindi maiwasan na “tumula” ang mga taong nasa paligid ni Manang Eta: “Kung mukha man ang matatawag sa mukha ni Manang Eta, bundok ang maihahalintulad doon. At ang ngiti naman ay diyamanteng di basta-basta ipinapakita kahit kanino,” ayon sa isang nakasaksi.
Dahil napansin ng marami na ang mailap na ngiti ni Manang Eta ay para lamang sa mga bata, nangamba sila sa ganitong “pangitain.” Misteryo daw ang “hilig” ni Manang Eta sa mga bata. May ilan naman na naglakas-loob na lumapit kay Manang Eta kapag ngumingiti ito; dahan-dahang lalapit na parang mga debotong haharap sa isang Santo. Inaalo muna nila ito: "Naku, naglaho ang ugat sa noo ni Manang." "Parang bumabata si Manang Eta, ah!" "Manang Eta, gumaganda ho kayo, wala bang discount sa dinuguan?" Subalit hindi sila pinapansin dahil ang mga mata nito’y nakatuon lamang sa mga batang masayang naghahabulan at naghihiyawan.
Tinangka ni Manang Eta na lumapit sa mga bata, ngunit biglang umusbong na parang kabute ang mga tao kung saan-saan --- may lalabas mula sa kabilang kalye, sa kanto, sa barberya, sa tindahan --- at bibigyan siya ng mga masasamang sulyap, sulyap lamang dahil walang sinuman ang tumangkang tumitig sa mga balintataw ng matanda. Biglang ipapakita ni Manang Eta ang kanyang mukha na tila walang dugo, walang emosyon at walang habag na kanina’y nalinyahan na ng isang ngiti --- bagamat panandalian.
“Hoy, mga bata, umuwi na kayong lahat!” utos ng isang mama. Nagpatuloy sa paglakad si Manang Eta patungong palengke.
“O di bale na! Pwede na kayong maglaro uli. Umalis na ang sira-ulong matanda!”
Kung kaya kaunti lamang ang mga taong nagulat na paglipas ng isang linggo pagkatapos ng pagtatangka ni Aling Eta na lumapit sa mga bata ay nabalitaan ang "pagpatay" niya sa isang walong taon gulang na si Dino, anak ng mag-asawang Enteng at
Ayon sa kuwento ng marami, galing si Manang Eta sa katayan ni Mr. Buen sa loob ng palengke ng Arranque. Bitbit niya ang dalawang nagtatambukang supot na tila susuka na ng dugo sa lupa. Dugo at lamang loob ng baboy ang laman ng mga supot na kulay pula. Bigla lamang itong nagwala, sumigaw at pinagsasampal-sampal si Dino.
Sa dinuguan nakilala si Manang Eta. Haka-haka ng marami na galing pa sa sinaunang panahon ang sikreto ng pagluto sa ulam na "bumighani" sa mga meyor, kongresman, artista at kung sino sino pa. Halos lahat ng bituka sa kalye ng San Sepulkro mula noong nakaraang limang dekada ay nakaamoy, nakatikim, at nakalasap ng itim na likidong may lamang loob. At kapag inulam sa puting kanin, hindi na kailangan ang ibang putahe, sapat na ang dinuguan na walang sawang kinakain ng mga "deboto" hanggang ang kanilang labi at ngipin ay kulay itim na rin.
Maraming nagsabi kay Manang Eta na magbukas na lamang ng karinderya upang mas mabilis na bilhin ang ulam at hindi na nila kailangan pang abangan ang matanda sa kalye para umorder at kunin ang order. "Wala" ang sagot ni Manang Eta kaya hindi alam ng lahat kung ano ang tumatakbo sa ulo ng matanda. Nagsimula ang suspetsa ng marami ukol sa lagay ng isip ni Manang Eta. Minsan, ginamit nila ang isang bata para magtanong sa matanda: "Ma…nang E…Eta, ba..kit pooo kayo hin..di magbukas ng ka..rin..derya?" tanong ng bata. Biglang lumiwanag ang mukha ng matanda at ngumiti ito. Nakiusyoso ang mga tao sa paligid na mukhang hindi nakikialam sa isasagot ng matanda.
"Alam mo anak, dinuguan lang ang niluluto ko dahil nahahalina ako sa pagpapasarap ng mapapait na lamang loob," ani Manang Eta.
Hindi maintindihan ng bata ang sagot.
“May tanong ka pa ba anak?”
“Wala na po!” at tumalikod na ito. Nang nawala na sa kanyang paningin ang bata, biglang kumunot ang noo ni Aling Eta. Saksi ang marami sa pangyayari subalit iba’t-iba ang kanilang bersyon sa narinig na sagot ni Manang Eta.
“Narinig ko, mahilig daw siya sa lamang loob dahil mapait daw ang kanyang buhay…” sabi ng isa.
“Hindi! May hilig daw siya sa pagpatay…”
Nang kumalat ang iba’t-ibang bersyon, lalong umigting ang interes ng mga taga-San Sepulkro sa misteryo ng buhay ni Manang Eta.
"Naku, baka may hinahalong gayuma ang matanda sa dinuguan, ayoko nang mag-order nun sa kanya," ani ng isa habang kumakain ng balot sa labas ng barberya. Sinang-ayunan ito ng mga kausap: "Baka dinadasalan ni Aling Eta ang dinuguan o may iba siyang hinahalo dun
Pero ang lahat ng mga pagdududa tungkol sa dinuguan ay nabubura sa oras na makita nilang nakahain ito sa kanilang mesa.
Ngunit iba ang sentimyento ng mga kababaihan, kung anu-anong mga kuwento ang kanilang pinagtagpi-tagpi tungkol sa buhay ni Manang Eta. Pasimuno si Aling Aurora, ang asawa ng kapitan ng barangay na si Enteng. "Alam niyo ba kung anong sabi ni Father? Hindi raw nagsisimba ang Eta na iyan dahil may karumal-dumal na kasalanan, nagpa-anak daw sa isang…pari."
“Anong nangyari sa anak? Saan na siya ngayon?” tanong ng kumare. Hindi naisagot ni Aling Aurora ang tanong kaya lalo siyang naging interesado sa buhay ni Manang Eta.
"Eta, Ethernal Castillo ang tunay na pangalan, 69 taong gulang, parehong maagang namatay ang mga magulang. Walang rekord na may asawa siya o anak,” sabi ng isang babae sa munisipyo kay Aling Aurora. “Sandali… iyun ba iyung magaling magluto ng dinuguan? Sabi nila may anak daw na lalaki na maagang namatay, pero di ko alam."
Nagpatuloy sa pagsiyasat si Aling Aurora sa buhay ni Manang Eta, kasabay ng paghabi niya ng isang talambuhay na magiging kapani-paniwala subalit kasuklam-suklam.
"Si Eta kamo? Oo, kilala ko ang tatay niya. Wala akong alam na masamang ginawa ng pamilya. Sandali lang… sa pagkakaalam ko, may balita dati na may nangyaring hindi maganda sa kanyang pamilya… isang pangyayaring hindi na gustong maalala pa ng marami…" salaysay ng isa sa pinakamatanda sa Arranque. “Baka gusto niyo munang tumuloy at kumain, may dinuguan dito.”
"Sabi ng nanay ko na nagbenta sa kanila ng lupa, nasiraan ng ulo si Eta nang may malagim na pangyayari sa kanilang tahanan. May natulak daw siya mula sa balkonahe nang minsang atakihin siya ng …alam niyo na… pero hindi ko alam kung sino…Iyun lang ang sinabi sa akin… Dati palang sementeryo ang lupa,” kuwento ng anak. “Iyun lang ho ang alam ko Aling Aurora, baka gusto po ninyong kumain, may handa po kaming dinuguan."
Hindi rin lumipas ang isang piyesta sa patron ng San Sepulkro taon-taon na hindi kabilang sa handa ang dinuguan. Dinadagsa ang kalye ng mga dayo sa iba’t-ibang lugar ng Maynila hindi dahil sa kulay itim na patron kundi dahil sa kulay itim na ulam. At bawat taon, paigting nang paigting ang usap-usapan tungkol sa buhay ni Manang Eta hanggang sa nakabuo ng konklusyon si Aling Aurora: “Dahil may sira sa ulo ang matanda at dating sementeryo ang bahay, bantayan ninyo ang mga bata kapag nandiyan si Eta. Ibang klase ang tingin niya sa mga bata. Hindi ko naman sinasabi talaga na masamang tao si Eta, binabalita ko lang naman ang mga naiipon kong mga balita, gusto ko lang na ligtas tayong lahat lalo na ang mga anak natin!”
Hindi na nagtaka ang marami sa babala. Lumabas ang iba’t-ibang kuwento at nanguna ditto ang bersyon ni Aling Aurora na kapani-paniwala’t kagila-gilalas: May anak si Eta na namatay sa kanyang mga kamay. Lalo lamang naimbyerna si Aling Aurora dahil lalong dumami ang mga katanungan. “Paano namatay ang anak?” tanong ng marami.
Kung kaya hindi na nagulat ang mga tao nang ilang araw bago ang piyesta ay natagpuang duguan ang mukha ni Dino na kagagawan diumano ni Aling Eta.
"Sinong gumawa niyan sa mukha mo!?" gulat na tanong ni Mang Enteng sa anak nang pumasok ito sa kanilang sala.
"Si Aling Eta po kasi..."
"Putang-ina!! Hayop ang matandang iyon, ah!" sigaw ni Mang Enteng sabay takbo papuntang barangay hall sa tapat ng kanilang bahay.
"Hindi naman po ‘tay!" pahabol na sigaw ni Dino. "Si Aling Eta nga po. Kasi po..."
Hindi na pinansin ni Mang Enteng ang sagot ng anak dahil biglang bumulusok ang galit sa kanyang laman. Tanghaling tapat nang binulabog niya ang pulong ng mga opisyales ng barangay ukol sa programa sa piyesta.
"Bakit ho kapitan? Anong nangyari?"
"Muntik nang patayin ng putang-inang Eta na iyan ang anak ko! Lagot siya sa akin! Hindi pwedeng mabuhay ang dimonyong iyan sa barangay ko!"
"Kapitan, may sira nga talagang sa ulo iyung matanda! Diba pinatay daw niya ang sariling anak?"
"Gumawa na tayo ng paraan bago pa may mangyari sa ating mga anak… " himok ni Mang Enteng.
Nagtayuan ang lahat ng mga opisyales, kumukha ng mga batuta at dali-daling tumungo sa bahay ni Manang Eta.
Hindi na pinakinggan ni Mang Enteng ang sinabi ng anak, ang tanging umiinog sa kanyang ulo ay ang pangalang Eta.
"Aling Aurora, Aling Aurora! Si Dino, dinuguan este duguan!"
Iniwan ni Aling Aurora ang kanyang grocery at dali-daling tumungo ng bahay. Pagpasok sa sala, bigla siyang namutla sa galit nang makita ang mukha ng anak.
"Ang anak ko, bakit duguan ang mukha mo, ang tenga mo, ang labi. Sinong may kagagawan nito!!? Diyos ko, sabihin mo kung sino?"
"Si Aling Eta po kasi..." sagot ni Dino.
"Putang-ina! Putang-ina! Putang-ina! Pagsasampalin ko ang mukha niya! Sabi ko na nga ba! Mapanganib ang matandang iyon! Alagad ng demonyo at mamamatay tao!" Agad-agad na tumakbo palabas ng bahay si Aling Aurora.
"Hindi naman po ‘Nay!" pahabol na sigaw ni Dino. "Si Aling Eta nga po. Kasi po..."
Hindi na pinakinggan ni Aling Aurora ang mga sinabi ng anak, nagsisigaw-siagw ito sa kalye ng San Sepulkro habang tumatakbo patungo sa bahay ni Manang Eta.
Tahimik na lumabas si Manang Eta sa tarangkahang gawa sa bakal na may nakaukit na mukha at pakpak ng mga anghel. Nagsimulang magkumpulan ang mga tao sa kanyang harap subalit walang lumapit sa matanda. Nangibabaw ang boses ni Aling
Nakatayo si Manang Eta sa batong tulay sa ibabaw ng kanal na nagsisilbing “kuneksiyon” ng bahay at kalye ng San Sepulkro.
"Wala akong kasalanan," malumanay na sagot ni Manang Eta.
"Anong wala? Duguan ang mukha ng anak ko!" sigaw ni Aling Aurora.
"Wala akong kasalanan!"
"
"Wala akong kasalanan!" tatlong beses na ulit ni Manang Eta.
"Ah ganun, ah! Tingnan natin kung hindi ka sasama! Tatawag na ako ng pulis!"
“Hindi na kailangan!” ani Mang Enteng sabay labas ng 45-kalibre na baril mula sa beywang. “Eta, bilang kapitan ng barangay, inuutusan kitang magpaliwanag at sumama sa amin.”
Tumalikod lamang si Manang Eta at lumakad papasok ng pintuan ng tarangkahan. Sinara niya ang pinto at dahan-dahang naglakad papunta sa bahay. Nagulat ang lahat sa ginawa ni Manang Eta. Kitang-kita nila ang pagpasok niya sa bahay na may mga lilok na mukha ng mga anghel na gawa sa kahoy. Sinilip nila si Manang Eta mula sa mga siwang ng bakal na bakod na kahit walang pintura, ay kumikinang sa ilalim ng araw.
“Hoy matanda! Lumabas ka dito!” sigaw ni Mang Enteng.
Binuksan ni Manang Eta ang pinto at pumasok sa loob ng bahay. Binuksan niya ang bintana kaya nakita ng lahat ang sala na may engrandeng aranya.
“Pasukin na natin ang bahay!” utos ni Mang Enteng sa mga kasama. Sinipa niya ang tarangkahan, pagpasok sa loob, sumugod sila sa pintuan. Nakaiwang bukas ang pinto, subalit imbes na sumugod, biglang sinaklutan ng takot si Mang Enteng. Naalala niya ang sinabi ng asawa: “Sabi ng matanda, may mga malalagim na pangyayari sa loob ng bahay. Isang masamang pangyayari!”
Dahan-dahang naglakad si Mang Enteng, pakaliwa-kanan ang kanyang mga mata subalit di niya makita si Manang Eta. “Eta! Lumabas ka na! Huwag ka na magtago! Magpaliwanag ka! Huwag na nating pahirapan pa ang sitwasyon!”
Pinapawisan na ang kanyang palad kaya bigla niyang nalaglag ang baril. Nakadama ng ibang klaseng takot ang mga nakabuntot sa kanya. Dali-dali niyang pinulot muli ang baril. Nadagdagan ang kaba ni Mang Enteng dahil parang may nakamasaid sa kanya, parang may buhay ang mga lumang silya, ang aranya, ang mga kupas na retrato, pati na ang marmol na sahig na may kulay berdeng bulaklak na disenyo. Bigla silang may narinig na hulagpos ng mga paa sa ikalawang palapag ng bahay.
“Pumanhik tayo!” utos ni Mang Enteng sabay diretso sa hagdanan. Napalingon siya at nakita ang kusina na nasa tabi ng hagdanan. Gustong sumuka ni Mang Enteng sa kanyang naamoy at nakita, nakakalat sa isang malaking mesa ang mga atay, bituka, tiyan ng baboy. Mayroon ding maliliit na balde ng dugo sa apat na sulok ng kusina. Sa ibabaw ng paminggalan nakahilera ang mga marmol na mga lalagyan ng paminta, asin, asukal, gawgaw. Isang bumbilya lamang ang nagbibigay ng tila kulay ginto na kulay sa buong kusina.
Nanginig bigla ang tuhod ni Mang Enteng, parang gusto niyang lumuhod at magbigay galang sa “altar” ng bahay. Pagtingin ni Mang Enteng sa mukha ng kanyang mga kasama, bakas sa kanila ang magkahalong pagkabigla at pagkamangha.
Pumanhik sila at kahit na anong hina ng kanilang yapak, naglilikha ng ingay na parang batang humihikbi ang bawat baitang. Isang malaking bulwagan ang tumambad sa kanila. Ang dingding ay kasing kintab ng sahig at pagtingin ni Mang Enteng sa ere, nasambit niya sa sarili na parang nakita niya ang langit. Mga ulap, mga anghel, mga lira, mga ibon ang mga nakadibuho na parang ginawa lamang kahapon.
“Enteng! Enteng! Ano na ang nangyari sa iyo dyan? Si Eta nasa balkonahe!” sigaw ni Aling Aurora mula sa labas ng tarangkahan.
Natauhan si Mang Enteng nang marinig ang boses ng asawa. Nakita niyang nasa balkonahe si Manang Eta at nakatalikod sa kanya.
“Manang Eta! Sumama na ho kayo sa amin! Hindi na po kami gagamit ng dahas kung kayo’y susunod!” himok ni Mang Enteng.
Hindi kumilos ang matanda na lalong kinainisan ni Mang Enteng. Iba ang naging pakiramdam ni Mang Enteng. Naglaho ang gusali sa tapat ng bahay, nawala din ang poste, kable at kawad ng kuryente. Biglang naging tahimik ang paligid, hindi na niya narinig ang motor ng mga trycyle at dyip. Nakita niya ang isang batang lalaki, na kasing taas ni Dino, na nakatayo sa balkonahe. Nakatalikod ito sa kanya.
Sa isang iglap, biglang dumilim ang bulwagan. Nawala ang kintab sa mga dingding, nabura ang debuho ng langit, at mabilis na sumilid ang alikabok sa lahat ng sulok. Pagtalikod ng bata, sumigaw si Mang Enteng.
“Ahhhhh! Lumayo ka, lumayo ka!” Subalit, palapit nang palapit ang isang bata na paligo ng dugo; ang ulo, dibdib, beywang, at binti ay lasog-lasog; at ang atay, apdo, tiyan, at bituka ay nakatiwangwang.
“Enteng! Enteng! Ano na ang nangyari sa iyo diyan? Ano’ng ginagawa sa iyo ni Eta!” sigaw ni Aling
Tatlong malalakas na putok ang narinig ng lahat pagkatapos ng pagbubunganga ni Aling
Nahulog ang katawan ni Manang Eta mula sa balkonahe habang may isinisigaw. Nagkaroon ng komosyon sa loob ng bulwagan kaya nagtakbuhan sa iba’t-ibang direksyon sa Kalye Sepulkro ang mga usisero. Laking gulat ng lahat dahil eksaktong nahulog ang katawan ng matanda sa mga matutulis na korona ng tarangkahan. At dahil dito, hindi makalabas ang grupo nina Mang Enteng.
Nabutas ang ulo, dibdib, beywang at binti ni Manang Eta, nagkalat ang kanyang tiyan, apdo, bituka, atay sa kalsada.
Hindi mapatid ang sigawan ng mga tao. Sa takot ng mga nakasaksi, hindi nila alam kung paano simulang ilarawan sa iba ang pangyayari o itsura ng bangkay ni Manang Eta. Sa ilang sandali, dumating ang mga pulis Maynila. Inalis nila ang nakatusok na katawan ni Manang Eta habang patuloy na umaagos ang dugo sa kalye at sa kanal.
Nagtapang-tapangan na lamang si Mang Enteng, "Kasalanan ng matandang iyan. Nakita ko ang dimonyo sa kanya!"
Nakaramdam ang lahat ng malamig na ihip ng hangin kahit tanghaling tapat. Lumayo na ang iba pang mga tao sa eksena. "Aksidente ang lahat. Aksidente…" sabi ni Aling Aurora sabay tingin sa mukha ng mga usisero. "Diba? Diba…"
Nang inilatag na ang katawan ni Aling Eta ilang oras matapos ang pinapalabas na “pagpapatiwakal sa sarili", wasak ang mukha nito. "Hesus Maria, mukha na iyon ng impakta!" sambit ng isang saksi. “
Nang buhatin ang katawan, nalaglag ang kanang bilog ng mata ng bangkay. Nanginig si Mang Enteng dahil ang balintataw ay nakatuon sa kanya, di niya namalayang naihi siya sa loob ng kanyang maong.
Kinausap ni Aling Aurora ang mga pulis at mga opisyales ng baranggay. Dahil lasog-lasog na ang katawan ni Manang Eta at imposible nang “ayusin” pa ito, dagdag pa rito ang kawalan niya ng mga kamag-anak, pinasya na lamang nila na sunugin ang katawan kasama ng mga basura.
"Paano po ang buto kapitan?"
"Basta sunugin na iyan. Kung may matira, ilagay sa supot at itapon sa ilog!"
Habang sinusunog ang katawan ay nakita nilang may umaagos na kulay itim mula sa katawan. Wala nang pumasok sa isipan ng mga "nagliligpit" kundi ang dinuguan.
Sa mga dumating na araw, laging lumalabas sa bibig ng mga tao doon ang "...dinugu..."
Nagbukas si Aling Aurora ng karinderya katabi ng kanyang grocery buhat nang mawala ang "kumpetisyon". Nagluto siya ng dinuguan at nakangiti pa habang inilalabas ito sa kusina.
"Ano ba naman ‘tong dinuguan ninyo, malansa na, puro pa taba!" kutya ng isa. “Parang iba….mapait na ewan…” ani ng isa pa.
"Ano bang pinagkaiba ng dinuguan ko sa dinuguan ni… ni… ewan!" himutok ni Aling
Dumating ang araw ng piyesta. Nagulat ang lahat ng bisita dahil iba na ang lasa ng dinuguan sa handa. Dumating si Meyor at pagtapos ng talumpati, ang una niyang sinabi pagbaba ng entablado: "Pareng Enteng, ipabalot mo ako ng dinuguan, ah!"
Namula ang mukha ni Mang Enteng at parang hindi niya naiintindihan ang sinabi ni Meyor kaya inulit muli ni Meyor ang kanyang hiling. "Dito ko natikman ang pinakamasarap na dinuguan! Kaya ‘yung balot ko..."
Ngumiti si Meyor nang Makita ang dinuguan, ang kulay itim na dugo at ang mga lumulutang na mga lamang loob.
"Kakain na ako dito.” Malaking kutsara ang ginamit ni Meyor bilang “service spoon.” Sinarsahan niya ng maigi ng dugo ang kanin at dali-daling sumubo. Biglang nanigas ang kanyang mukha, pinilit niyang lunukin ang sinubo, subalit sa pagpilit niya ay lalo lamang siyang nasusuka. Hindi niya malaman kung ano ang nangyayari sa kanya dahil para siyang nahihilo, nanghihina at nauusog.
Lumipas ang ilang lingo, sumulpot ang iba't-ibang mga patayan, mga intriga at mga pangyayari sa loob at labas ng barangay pero hindi malimutan ng mga tao ang huling sinabi ni Manang Eta. Aon sa isang nakasaksi, sinisigaw daw ni Aling Eta ang “Nakikita ko na anak, tinulak ka ng mamang naka-puti.” Dahil dito, pakiramdam na ng marami na nabuo na nila ang misteryo sa buhay ni Manang Eta… “May anak daw ito sa pari na namatay nang karumal-dumal. Ang pari daw ang tumulak sa bata pero di alam ni Eta iyun dahil sinasabing aksidente ang nangyari. Nasa palengke si Eta kaya huli na ang lahat at ang tanging nagawa na lamang niya ay pagmasdan ang mga bumulwak na lamang loob ng anak nang nahulog ito sa matutulis na korona ng tarangkahang gawa sa bakal,” kuwento ng isang ale kay Aling Aurora.
“O ano na pala ang nangyari kay kapitan? Hindi na siya lumalabas ng bahay ninyo,” sabi ng ale.
Isang araw, habang mataas ang sikat ng araw at malakas ang ihip ng hangin, naglalaro ang ilang mga bata sa kalye ng San Sepulkro.
"Dino, huwag kang madaya! Sige ka. Mumultuhin ka ni Manang Eta!"
"Hindi ako mumultuhin n’un. Ikaw ang mumultuhin n’un dahil kamukha mo siya!" sagot ni Dino.
"Dino, matagal na nating di nakikitang naglalakad si Manang Eta dito ah!" pagtataka ng isang kalaro.
"Iyung huling beses na nakita natin siya dito, bigla ko siyang nabangga kasi naghahabulan tayo diba?" ani Dino.
"Oo nga eh! Nabutas tuloy ang supot na dala-dala ni Manang Eta at natalsikan ka ng dugo sa mukha…" nagtawanan ang mga bata. "Mukha ka ngang baboy na kinatay n’un eh!"
“Pero biglang may sinasabi siya na di ko maintindihan… tinatanong niya sa akin kung sino ang tumulak sa akin…” sabi ni Dino.
“Anong sagot mo?”
“Hindi ko alam… pero pinipilit niya ako… huwag daw ako matakot, sabihin ko lang daw kung sino para matahimik na siya. At nang wala siyang makuhang sagot sa akin, bigla na lamang siyang sumigaw kaya tumakbo na ako… Pag-uwi ko ng bahay, hindi ko nga alam kung bakit biglang nagalit si Itay at Inay."
"Bakit nagalit?" tanong nila kay Dino.
"Hindi ko nga alam eh! Basta bigla na lang silang nagalit n’ung sinabi ko na galing sa supot ni Manang Eta ang dugo.”
Nakaramdam si Dino ng malamig na ihip ng hangin, napalingon siya at may nakitang babae na naka-itim at papalapit sa kanila.
"Iyun oh! Si Manang Eta, parating na!"
~TAPOS~
No comments:
Post a Comment